← Back to poems

Sakripisyo

Minulat niya ang kanyang mga mata, at bumangon sa kama. Nakita niya ang kaniyang ina, na lumabas ng bahay.

Sa pagbalik nito, may dala na siyang tinapay. Ito'y kanyang iniabot at sinabing—

"Anak, ito na muna ang aking maibibigay, hayaan mo bukas makakahanap na ng pera si nanay."

Hinawi niya 'yong tinapay, at nabitawan ito ng ina sa kaniyang mga kamay. Padabog na umalis 'yong anak at sumigaw na,

"Walang kwentang buhay!"

Pinulot ng ina ang nahulog na tinapay, at lumabas ulit ng bahay.

"Baka po may labahan kayo." "Baka po kailangan ng anak niyo ng alalay." "Baka po naghahanap kayo ng kasambahay."

Habang ang ina ay naghahanap ng trabaho, yaong anak naman ay nasa barkada nito, humihithit ng sigarilyo, alak doon, alak dito.

Habang tumatagal, dumating na ang kinatatakutan ng ina— ang kaniyang anak, nalulong sa droga.

Tuwing uuwi ang kaniyang anak sa bahay nila, kapag walang makitang pagkain sa mesa, sinisigawan ang kaniyang ina,

"Wala kang kwenta!"

Pagkatapos humingi ng pera, babalik ito sa barkada.

Naiwang mag-isa ang ina, pinipigilang tumulo ang mga luha. Kahit na ito'y hinang-hina na, pinipilit pa ring tumayo, pinipilit pa ring magtrabaho, para may maibigay sa kaniyang anak tuwing uuwi ito.

Isang umaga...

Minulat ng ina ang kaniyang mga mata. Babangon na sana siya sa kama, ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa.

Tumulo ang kaniyang luha. Pinipilit niya pa ring tumayo, tinitiis ang sakit na nadarama nito, at tumungo pa rin sa trabaho, para may maibigay sa anak tuwing uuwi ito.

Isang araw...

Ang kaniyang ina ay may nabalitaan— ang kaniyang anak ay nasangkot sa kaguluhan.

Hindi alam ng anak kung saan ang puwedeng pagtaguan, hindi alam ng anak kung sino ang kaniyang lalapitan.

Umuwi ang anak na may takot at kaba. Hindi niya alam na nasundan pala siya.

Sinugod ng kalaban ang mismo nilang tahanan. Ang mga kapitbahay ay nagkaniya-kaniyang takbuhan nang makarinig ng putukan.

Tumakbo na rin ang anak at ang ina.

Sa pagtakbo nila, ang ina ay nadapa. Pinilit ng ina na makatayo sa lupa, ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa.

Tumulo ang kaniyang luha. Hinanap niya ang kaniyang anak, ngunit hindi na niya ito nakikita.

At ang ina ay nagwika...

"Anak, nais ko lang na iyong malaman. Malaman, na ang maging anak ka ay hindi ko pinagsisisihan. Mahal kita hanggang kamatayan."

Bang!

Isang putok ng baril ang kanilang nadinggan. Tumigil ang anak sa kaniyang pagtakbo. Tumingin siya sa likod.

Wala ang ina nito.

Binalikan niya ang kaniyang daan, at ito'y napahinto...

Nakita niya mismo sa harap nito, ang nakabulagtang ina na maraming dugo.

Napahagulgul sa iyak ang anak. At kaniyang napagtanto, na ang problema sa buhay ay hindi matatakbuhan, at ang lahat ng kaniyang ginawa ay kaniyang pinagsisihan.

At kaniya rin nang naintindihan, na ang sakripisyo at pagmamahal ng ina ay hanggang kamatayan.

Minulat niya ang kanyang mga mata, at bumangon sa kama.

Nakita niya ang kaniyang ina, na lumabas ng bahay.

Sa kaniyang pagbalik, may dala na siyang tinapay. Ito'y kanyang inabot at sinabing...

"Anak, ito na muna ang aking maibibigay, hayaan mo bukas makakahanap na ng pera si nanay."

Kinuha ng anak ang tinapay na hawak ng kaniyang ina, inilagay niya ito sa mesa, hinalikan at niyakap nang mahigpit ang ina.

Tumulo ang luha ng anak.

Napakurot ng noo ang ina. Hindi niya naiintindihan, pero ito'y ngumiti na lang.

At may binulong ang anak—

"Salamat kasi 'yon ay isang masamang panaginip lamang."